Sabado, Marso 10, 2018

Ang Malawak na Mundo ng ANIME


                Ang Anime ay isang estilo ng pagguhit na madalas iniuugnay sa bansang Japan. Ito ay isang terminolohiyang hango sa salitang animation na nangangahulugang lahat ng klase ng media. Ito rin ay nangangahulugang animation na gawa mismo sa bansang Japan na malimit mailarawan na makulay, buhay na buhay na karakter, at may temang pantasya.
                Para sa akin, halos lahat ng anime ay magaganda. Kilala ang mga anime na maganda ang istorya at madalas ring kapulutan ng aral sa buhay. Bilang isang teenager o kabilang sa mga post-millenials, marami na akong napanood na anime. Sa blog na ito ay aking ililista ang lima sa mga tumatak at paborito kong anime.



5.ToraDora!
       
                Episodyo: 25
                Petsa ng pagpalabas: Oktubre 2008 – Marso 2009

Balangkas:
                SI Ryuuji Takasu ay isang mag-aaral sa high school na may mukha ng isang basagulero ngunit masipag at maamo pa sa tuta. Si Taiga Aisaka ay cute at maliit pero wag magpalinlang dahil siya agresibo, marahas, at kinatatakutan ng lahat bilang “The Palmtop Tiger” (Ang Maliit na Tigre). Matapos malaman ni Ryuuji na may gusto si Taiga sa kanyang pinakamatalik na kaibigan, nagsanib-pwersa sila para tulungan ang isa’t isa sa kanilang mga iniibig at matapos ang isang magulog simula, ang kanilang pagkakaibigan ay unti-unting lumalim.
                Kung nais mong kiligin, ito ay bagay na bagay sa iyo. Sa aking opinyon, ito ang pianakamagandang rom-com (romantic comedy) anime na naipalabas.  Maayos nilang naipakita ang mga damdamin ng isang umiibig na estudyante sa high school. Nakatutuwang panuorin ang mga karakter na sina Taiga at Ryuuji na magbago kasabay ng kanilang mga kaibigan. Nakilala nila ng maayos ang isa’t isa at naiintindihan ang kanilang mga nararamdaman. Lahat ito ay nangyari ng hindi inaalis ang komedya sa kwento. Sa bawat episodyo ng Toradora! ay siguradong matatawa ka. Ang Toradora! ay siguradong walang kupas na hand among ulit-ulitin sa mga darating na taon.




4. Gintama

                Episodyo: 358
                Petsa ng pagpalabas: Setyembre 2005 – kasalukuyan

Balangkas:
                Ang bansang Japan ay napasailalim ng isang Alien Occupation Armies at tuluyang nakontrol ang mga namumuno lalo na ang Shogunate. Lahat ng mga samurai ay inalisan ng armas at pinagtrabaho na lamang sa ilalim ng mga mananakop. May mga nagrebelde sa mga mananakop, katulad na lamang ni Gintoki na isang samurai na walang pakialam sa pamamahala ng mga alien. Siya at kasama ang kanyang mga kaibigan ay laging nasasangkot sa gulo. Ngunit silang lahat ay malalakas kaya’t sila’y laging nakakaligtas.
                Wala talagang tunay na balangkas ang Gintama sapagkat ang bawat episodyo nito ay parang may ibang kwento at habang padagdag ang mga episodyo, nawawala na ito sa tunay na agos ng kwento. Ngunit sa estilong ito nakilala ang Gintama. Patatawanin ka sa bawat episodyo dahil na rin sa mga kakaibang ugali ng mga karakter nito. Hindi rin mawawala ang mga maaaksyong fight scenes nito kaya patok ito sa mga lalaking kabataan. Kaya hindi maipagkakaila na hanggang ngayon ay buhay pa rin ang anime na ito pagkalipas ng halos labingtatlong taon.




3. No Game, No Life




                Episodyo: 13
                Petsa ng pagpapalabas: Abril 2014 – Hunyo 2014

Balangkas:
                Si Sora at Shiro ay ang pinakamagagaling na gamers sa buong daigdig dahil sila ay hindi pa natalo sa isang laro, ngunit walang nakakakilala sa kanilang tunay na pagkatao sapagkat buong araw lamang sila sa kanilang maliit na kwarto habang naglalaro ng mga online games. Ang dalawa ay kilala sa tawag na “Blank” sapagkat blanko ang kanilang mga character’s name sa bawat laro na kanilang nalalaro. Alam nilang hindi sila nababagay sa mundong kanilang kinabibilangan. Para bang ipinanganak sila sa maling daigdig. Ngunit isang araw ay nakaharap nila ang “God of Games” na si Tet sa isang chess game at kanila itong natalo. Pagkatapos nito, sila’y pinadala ni Tet sa kanyang Mundo ng mga Laro at duon nagsimula ang kanilang panibagong kabanata.
                Hindi pa rin malinaw sa akin kung bakit wala pa ring Season 2 ang anuime na ito. Punong –puno ng kontrobersiya ang pinagmulan ng anime na ito. Ngunit sulit kahit Season 1 lang ang mapanood mo dahil sa aksyon na hatid nito. Mapapabilib ka sa talino ni Shiro at sa galling naman ni Sora. Masayang abangan ang mga laro nila dahil may reputasyon ang dalawa bilang unbeatable gamers. Nais ko ring puriin ang makulay na graphics at aesthetics nito. Tunay na mawiwili ang lahat nang manunood nito.



2. Shokugeki no Souma

                Episodyo: 53
                Petsa ng pagpapalabas: Marso 2014 - kasalukuyan

Balangkas:
                Isang 15y/o na bata na nagngangalang Souma Yukihira ay mayroong pangarap na maging full-time chef sa kainan ng kanyang tatay at malampasan ang galing nito. Ngunit nang makapagtapos si Souma sa middle school, ang kanyang tatay na si Joichiro Yukihira ay nakakuha ng bagong trabaho na kung saan siya ay pupunta sa iba’t ibang bahagi ng daigdig at tuluyang sinara ang kainan. Nabuhayan naman si Souma ng pinasok siya ng kanyang tatay sa piankakilalang culinary school sa Japan, ang Totsuki Teahouse Culinary Academy na kung saan isang porsyento lang ng mga estudyante ang nakakapagtapos. Maraming kaganapan ang nagsimula dahil sa pagpasok niya sa prestihiyosong paaralan na ito.
                Hindi ka lang matatawa o mamamangha sa mga pangyayari ngunit matatakam ka rin sa mga niluluto nila sa anime na ito. Ang mga paglalakbay ni Souma patungo sa kanyang minimithing First Seat ng Elite Ten ng nasabing paaralan ay kawili-wiling abangan. Maraming makakaharap si Souma sa mga duelo na tinatawag nilang Shokugeki (Food Wars). Ang anime rin na ito ay nagbibigay ng napakagandang kuwento na sigurado akong susubaybayan ng mga manunood.




1. One Piece

                Episodyo: 828
                Petsa ng pagpapalabas: Oktubre 1999 – kasalukuyan

Balangkas:
                Bago puguuutan ng ulo ang hari ng mga pirata na si Gol D. Roger, nasabi niya na may nakatago siyang yaman sa dulo ng mundo. Dito nagsimula ang bagong henerasyon ng mga pirata, Nais nilang hanapin ang nasabing kayaman na ang tawag ay ang One Piece. Isa sa mga piratang ito ay si Monkey D. Luffy na nakakain ng Gomu Gomu no Mi o ang gomang prutas na nagbigay sa kanya ng kakayahan humaba na parang taong goma. Nais niyang maging sunod na hari ng mga pirata at paara makamit ito, kelangan niyang makuha ang One Piece. Kasama ang kanyang mga kaibigan na sina Zoro, Nami, Sanji, Ussop, Chopper, Robin, Franky, at Brook, sabay –sabay silang maglalakbay upang makamit ang kanya-kanyang pangarap.  
                Ito ang pinakapaborito kong anime sa lahat. Sinubaybayan ko ito simula sa simula hanggang sa kasalukuyang episodyo. Maaksyon ito ngunit nagpapakita ng tunay na kahulugan ng pagkakaibigan. Tiyak na makukuha nto ang atensyon ng lahat ng mga manunood. Ito ang best selling manga of all time by a single author.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento